Dumaan sa wall ko ang tungkol sa experiment kung saan kinausap ang tig-isang kamatis na nakalagay sa magkahiwalay na garapon.
Sa experiment, yung isang kamatis ay puro negative na salita ang naririnig (mag imagine ka ng pinakamasasakit na salita na ayaw na ayaw mong marinig na sinasabi sa 'yo, may kasama pa yatang pagmumura, ganoon.), sa loob ng limang araw.
Yung isang kamatis naman puro positive na salita lamang ang ipinaparinig nya (mag-imagine ka uli ng pinaka-sweet na salita na gustong-gusto mong marinig sa buong buhay mo, tipong ganoon uli), sa loob din ng limang araw.
Note: ang instruction ay dapat sa magkahiwalay na kwarto nakalagay ang mga kamatis para hindi maririnig(?) nung isa. At dapat may emotion ang sinasabi mo. Kung magmumura ka, dapat yung sagad. Kung magiging sweet at positive naman, dapat todo rin.
E di ganoon nga ang nangyari. Pagkatapos ng 5 araw yung kamatis na puro negative ang naririnig ay inamag, at malapit ng mabulok.
Samantalang yung kamatis na puro positive naman ay mukhang sariwang-sariwa pa rin. Parang walang pinagbago. Mukhang bagong pitas.
E ano naman ang relevance ng experiment na yan? Well, kung ako ang tatanungin mo, napaka obvious naman.
Pag negative ang tinatanggap mo sa buhay, walang mangyayari sa 'yo. Maaaring tanggapin mo sa loob mo na wala ka ng pag-asa, hindi na magbabago ang buhay mo, at magsasawalang kibo ka na lang. Ang masama dito, makakahawa ka pa. Maililipat mo sa iba ang negative na nararamdaman mo. Di ba pag may isang bulok na kamatis sa loob ng tiklis ay tinatanggal natin para hindi agad mabulok ang iba?
Samantala, kung puro positive at puno ng encouragement ang naririnig mo, ang outlook mo sa buhay ay nagiging iba rin. Sa umaga paggising mo, masigla ka sa pagbangon pa lang. Nakangiti ka pa. At kahit hindi masarap ang ulam ay nagiging malasa at malinamnam kasi nga 'positive' ka. Pansinin mo pa mas magiging productive ka sa maghapon.
Kanina nakita ko yung anak ng pinsan ng kakilala ko na 5 years old. Kalaro nya yung isang bata sa labas ng bahay nila. At dinig na dinig ko yung pagmumura nung 5 years old sa kalaro nya. Talaga namang magugulat ka na kaya palang sabihin ng bata ang mga ganung salita. Paano pa kaya pag medyo tumanda-tanda pa ito? Baka maging bayolente pa ito balang-araw.
Habang naglalakad ako pauwi narinig ko naman yung tatay na tinatawag habang minumura yung anak nya, '#@*&%#$' kang bata ka, etc. etc.'
Kaya naman pala ganun ang bata, naririnig sa magulang. Binilisan ko ang lakad pauwi para hindi ko na marinig pa yung mga 'negative' na sinasabi nya. Baka mahawa pa ako.
Hindi kasi masyadong masarap ang ulam ko.
Comments